Kasama sa Istanbul E-pass ang libreng guided tour sa Topkapi Palace, na may opsyon na laktawan ang pila para sa tiket at may propesyonal na gabay na nagsasalita ng Ingles. Para sa mga detalye, tingnan ang “Mga Oras at Tagpuan.”
Ano ang Topkapi Palace at bakit ito mahalaga?
Ito ang pinakamalaking museo sa Istanbul. Nasa likod mismo ng Hagia Sophia ang palasyo, sa makasaysayang sentro ng lungsod ng Istanbul. Orihinal na nagsilbing tahanan ng Sultan ang palasyo; ngayon, museo na ito. Kabilang sa mahahalagang tampok ng palasyong ito ang harem, kabang-yaman, mga kusina, at marami pang iba.
Anong oras nagbubukas ang Topkapi Palace?
Bukas ito araw-araw, maliban tuwing Martes.
Bukas ito mula 09:00 hanggang 18:00 (17:00 ang huling pagpasok)
Saan matatagpuan ang Topkapi Palace?
Matatagpuan ang palasyo sa distrito ng Sultanahmet. Madaling marating sa pamamagitan ng pampublikong transportasyon ang makasaysayang sentro ng lungsod ng Istanbul .
Mula sa Lumang Lungsod: Sumakay sa tram na T1 papunta sa estasyon ng tram sa Sultanahmet. Limang minutong lakad lamang mula sa estasyon ng tram papunta sa palasyo.
Mula sa distrito ng Taksim: Sumakay ng funicular mula Taksim Square papunta sa Kabatas. Mula Kabatas, sumakay sa tram na T1 papunta sa estasyon ng Sultanahmet. Limang minutong lakad lamang mula sa estasyon ng tram papunta sa palasyo.
Mula sa distrito ng Sultanahmet: Maigsing lakad lamang ito mula sa karamihan ng mga hotel sa lugar.
Gaano katagal ang pagbisita sa palasyo at kailan ang pinakamainam na oras?
Maaari mong libutin ang palasyo nang 1.5–2 oras kung mag-isa kang pupunta. Tumatagal din nang halos isang oras ang guided tour. Maraming bulwagan ng eksibisyon sa palasyo. Sa karamihan ng mga silid, ipinagbabawal ang pagkuha ng litrato o pagsasalita. Maaaring matao ito depende sa oras ng araw. Pinakamainam bumisita sa palasyo nang maaga sa umaga. Karaniwang tahimik ang lugar sa ganitong oras.
Saan nagsisimula ang museo?
Nagsisimula ang museo sa ikalawang tarangkahan ng palasyo. Para makalusot sa ikalawang tarangkahan, kailangan mo ng tiket o Istanbul E-pass. May inspeksiyong pangseguridad sa dalawang pasukan. Bago gamitin ang mga tiket, daraan ka sa huling inspeksiyong pangseguridad, saka ka papasok sa museo.
Ano ang makikita sa ikalawang hardin?
May ilang bulwagan ng eksibisyon sa ikalawang hardin ng palasyo. Pagkapasok, kung kakanan ka, makikita mo ang mapa ng Imperyong Ottoman at ang modelo ng palasyo. Sa modelong ito, mamamangha ka sa lawak nitong 400,000 metro kuwadrado.
Ano ang kahalagahan ng Bulwagan ng Konseho ng Imperyo at ng Tore ng Katarungan?
Kung magpapatuloy ka pakaliwa mula rito, makikita mo ang Bulwagan ng Konseho ng Imperyo. Hanggang noong ika-19 na siglo, dito nagpupulong ang mga ministro ng Sultan. Nasa ibabaw ng Bulwagan ng Konseho ang Tore ng Katarungan ng palasyo. Ito ang pinakamataas na tore sa museo. Sumisimbolo ito sa katarungan ng Sultan at isa sa iilang bahagi ng palasyo na nakikita mula sa labas. Mula sa tore na ito, pinagmamasdan ng mga ina ng mga Sultan ang koronasyon ng kanilang mga anak na lalaki.
Ano ang makikita sa Panlabas na Kabang-yaman at mga Kusina?
Sa tabi ng Bulwagan ng Konseho ay ang panlabas na kabang-yaman. Ginagamit ngayon ang gusaling ito bilang bulwagan ng eksibisyon ng mga damit pangseremonya at armas. Nasa tapat ng Divan at Kabang-yaman ang mga kusina ng palasyo. Dati itong nagsisilbi sa halos 2,000 katao at isa ito sa pinakamahahalagang bahagi ng gusali. Nasa mga kusinang ito ng palasyo ang pinakamalaking koleksiyon ng porselanang Tsino sa labas ng Tsina.
Ano ang natatangi sa Bulwagan ng Pagdinig?
Matapos mong malagpasan ang ikatlong hardin ng palasyo, ang unang makikita mo ay ang Bulwagan ng Pagdinig. Dito nakikipagkita ang Sultan sa mga pinuno ng ibang mga bansa. Dito rin nakikipagpulong ang Sultan sa mga miyembro ng Bulwagan ng Konseho. Makikita mo ngayon ang isa sa mga trono ng mga Sultan ng Ottoman at ang magagandang kurtinang seda na dating palamuti sa silid.
Ano ang makikita sa Silid ng mga Relikyang Panrelihiyon?
Pagkatapos ng silid na ito, makikita mo ang dalawang tampok ng palasyo. Ang una ay ang Silid ng mga Relikyang Panrelihiyon. Ang ikalawa ay ang Kabang-yaman ng Imperyo. Sa Silid ng mga Relikyang Panrelihiyon, makikita mo ang balbas ni Propeta Mohammed, ang tungkod ni Moises, ang bisig ni San Juan Bautista, at marami pang iba. Karamihan sa mga bagay na ito ay nagmula sa Saudi Arabia, Jerusalem, at Egypt. Dahil Caliph din ng Islam ang bawat Sultan ng Ottoman, ipinakikita ng mga bagay na ito ang espirituwal na kapangyarihan ng Sultan. Ipinagbabawal ang pagkuha ng litrato sa silid na ito.
Ano ang mga tampok sa Kabang-yaman ng Imperyo?
Nasa tapat ng Silid ng mga Relikyang Panrelihiyon ang Kabang-yaman ng Imperyo. May apat na silid ang Kabang-yaman, at ipinagbabawal din dito ang pagkuha ng litrato. Kabilang sa mga tampok ng kabang-yaman ang Brilyante ng mga Tagagawa ng Kutsara, ang Punyal ng Topkapi, ang ginintuang trono ng Sultan ng Ottoman, at marami pang kayamanan.
Ano ang makikita sa ikaapat na hardin?
Pagkatapos mong libutin ang ikatlong hardin, maaari kang magpatuloy sa huling bahagi ng palasyo, ang ikaapat na hardin, na pribadong lugar ng Sultan. Narito ang dalawang magagandang pavilion na ipinangalan sa pananakop sa dalawang mahahalagang lungsod: Yerevan at Baghdad. Nag-aalok ang bahaging ito ng kahanga-hangang tanawin ng Look ng Golden Horn.
Saan makikita ang pinakamagagandang tanawin at mga pasilidad?
Para sa pinakamagagandang larawan, pumunta sa kabilang panig ng mga pavilion, kung saan masisiyahan ka sa isa sa pinakamagagandang tanawin ng lungsod mula sa Bosphorus. Mayroon ding karinderya kung saan makakainom ka, at may mga palikuran sa restawran.
Kasaysayan ng Topkapi Palace
Matapos masakop ang lungsod noong 1453, nag-utos si Sultan Mehmed II na magpatayo ng tahanan para sa kanyang sarili. Dahil magiging tahanan ito ng maharlikang pamilya, malawak ang itinayong gusali. Nagsimula ang konstruksyon noong dekada 1460 at natapos noong 1478. Noong mga unang taon, ang pangunahing bahagi pa lamang ng palasyo ang naitayo. Kalaunan, nag-utos ang bawat Sultan ng Ottoman na nanirahan sa palasyo na magdagdag ng bagong bahagi sa gusali.
Dahil dito, nagpatuloy ang konstruksyon hanggang sa panahon ng huling Sultan na nanirahan sa palasyong ito, si Abdulmecit I. Noong panahon ng kanyang paghahari, iniutos niya ang pagpapatayo ng bagong palasyo. Pinangalanan itong Dolmabahce Palace. Matapos maitayo ang bagong palasyo noong 1856, lumipat ang maharlikang pamilya sa Dolmabahce Palace. Nanatiling ginagamit ang Topkapi Palace hanggang sa pagbagsak ng imperyo. Palaging ginagamit ng maharlikang pamilya ang palasyo para sa mga seremonya. Nang ipahayag ang Republika ng Turkey, ginawang museo ang palasyo.
Seksyon ng Harem sa Palasyo
Ibang museo sa loob ng Topkapi Palace ang Harem. May hiwalay itong bayad sa pagpasok at bilihan ng tiket. Ang ibig sabihin ng harem ay ipinagbabawal, pribado, o lihim. Dito nanirahan ang Sultan kasama ang mga miyembro ng kanyang pamilya. Hindi maaaring pumasok sa seksiyong ito ang mga lalaking hindi kabilang sa maharlikang pamilya. Iisang grupo lamang ng mga lalaki ang pinapayagang pumasok dito.
Dahil bahagi ito ng pribadong buhay ng Sultan, walang mga tala tungkol sa seksiyong ito. Ang nalalaman natin tungkol sa Harem ay nagmula sa iba pang mga tala. Maraming naibubunyag tungkol sa Harem ang mga talaan ng kusina. Mula sa mga talaan ng kusina, nalalaman natin kung ilang babae ang naroon sa Harem. Ayon sa mga tala noong ika-16 na siglo, may 200 babae sa Harem. Kabilang sa seksiyong ito ang mga pribadong silid ng mga Sultan, mga Inang Reyna, mga konkubina, at marami pang iba.